MANILA, Philippines - Naalarma kahapon si Senator Juan Miguel Zubiri sa posiblidad na masunog ang oil depot sa Pandacan dahil sa malakas na lindol at sa pag-amin ng Bureau of Fire na wala silang kagamitan upang masugpo ang isang malaking sunog.
Sa hearing kahapon sa Senado, sinabi ni Chief Supt. Victoriano Remedio, director ng Bureau of Fire Protection na walang sapat na kagamitan ang kanilang ahensiya para sugpuin ang isang malaking sunog sa oil depot.
Sinabi ni Remedio na sa ngayon ay para sa mga nasusunog na low-rise building lamang ang kanilang kagamitan.
“Presently sir, wala talaga tayong capability na ganyan kasi yun mga equipment natin is good for low-rise and high-rise building. Meron mga tayong mga high-rise ladder firetruck pero very limited,” sabi ni Remedio.
Kinakailangan aniya ng helicopter at fireboats kung masusunog ang oil depot sa Pandacan.
Kaugnay nito, sinabi ni Zubiri na mas makakabuti na muling buhayin ang panukala na ilipat sa ibang lugar ang oil depot lalo pa’t napakalapit nito sa Malacañang.