MANILA, Philippines - Ito ang nilalaman ng report mula sa Commission on Audit na pinagtibay ni dating COA resident auditor Librada Sentilices.
Ganito din ang naging pahayag ng kasalukuyang COA resident auditor Mike Bacani. Idinagdag pa ni Bacani, wala ding natatangap na report ang COA Main Office tungkol sa mga nasabing maanumalyang transaksiyon at maging ang official website ng COA ay wala ding ulat na negatibong audit sa pinansyal na transaksyon ng PCG.
Ang mga naturang pahayag ay sumuporta sa pagpapabula ng PCG sa mga isyung ng korupsyon na ibinabato sa nasabing ahensya na pawang paulit ulit na lamang na tinatalakay simula pa noong 2007.
Nagbigay ng reaksiyon ang Coast Guard sa ulat na nagkaroon ng “malversation of funds” o kahina hinalang paglustay sa 325 milyong piso na di umano ay nai-release para sa operasyon ng ahensya noong taong 2007.
Ayon sa pahayag ng PCG, walang natanggap na 325 milyong piso ang PCG. Ang nasabing pondo ay nakatakda sanang ilaan para sa pagbili ng mga bagong marine pollution equipment. Ang Coast Guard ang siyang tinatayang “recipient” at walang anumang partisipasyon sa pagbili ng naturang kagamitan.
Nilinaw din ng PCG na 125 milyong piso lamang ang nagamit para sa pagbili ng mga marine pollution at mga hazardous material equipment para sa Marine Environmental Protection Command, pagpapagawa ng mga barko at mga sasakyang panghimpapawid na ginagamit hindi lamang sa mga search and rescue operations kundi pati na rin sa pagsasagawa ng environmental patrol at mga gawaing may kaugnayan sa oil pollution prevention. Lahat ng transaksiyong nabanggit ay may mga kaukulang dokumento at papeles na magpapatunay na walang anomalya ang naganap.
Wala ring nakitang iregularidad ang Commission on Audit at DOTC Audit teams sa mga isinagawang regular at special audit ukol sa mga nabanggit na sub-alloted funds, taliwas sa mga naunang naiulat sa mga pahayagan.
Sa report ng auditing team, mayroon lamang iilang pagkukulang sa tamang proseso ng pagrerekord at pagdodokumento,na kaagad namang binigyang aksyon ng PCG.