Pagbasura sa warrant of arrest ni Lacson kinatigan ng CA
MANILA, Philippines - Balik-Senado na si Sen. Panfilo Lacson matapos na katigan ng Court of Appeals (CA) ang pagbasura sa warrant of arrest na inisyu laban sa senador kaugnay ng Dacer-Corbito case.
Sa 16-pahinang desisyon, nakasaad na “The petitioner’s Urgent Motion for Clarification dated February 7, 2011 is granted”. Ang pagwawalang bisa sa arrest warrants sa mga Criminal Cases Nos. 10272905 & 10272906 ay kailangan na agad na ipatupad.
Dahil dito, balik senado na si Lacson at hindi na dapat pang matakot na siya ay arestuhin ng anumang law enforcement agency.
Sakaling arestuhin si Lacson, ito ay hindi lamang paglabag sa karapatan nito kundi pagsikil sa karapatan ng mga mamamayang bumoto at nagtiwala sa senador na maging kinatawan sa Senado.
Siniguro naman ni DOJ Sec. Leila de Lima na susundin nito ang naging desisyon ng korte kaugnay sa pagbasura ng arrest warrant ni Lacson.
Samantala, hinikayat naman ni Senate President Juan Ponce Enrile si Lacson na lumantad na matapos tuluyang ibasura ng CA ang warrant of arrest nito.
Wika naman ni Sen. Vicente Sotto III, mahalaga ang boto ni Lacson sa impeachment case ni Ombudsman Merceditas Gutierrez sakaling makarating na ito sa Senado.
- Latest
- Trending