MANILA, Philippines - Pinuntirya na ng US-UK led coalition forces na bombahin ang compound ni Libyan President Moammar Gadhafi upang tuluyang pabagsakin ang puwersa nito sa ikalawang bugso ng airstrikes sa Libya kaya puwersahan nang ililikas ang mga natitirang Pinoy doon.
Base sa ulat, tuluyan nang winasak ang mga pasilidad sa military command headquarters at control center ni Gadhafi sa Tripoli na isa sa mga malakas nitong puwersa matapos na paulanan ito ng Tomahawk cruise missiles ng US military “Operation Odyssey Dawn” kahapon ng madaling-araw.
Kasama sa mga tinarget na binomba ang administrative building ni Gadhafi sa Tripoli sa tuluy-tuloy na pag-atake ng international coalition forces.
Nabatid na umaabot na sa 124 Tomahawk missiles ang napapakawalan ng pinagsanib na puwersa ng US, Britain at France.
Bagaman pinasabog ang Bab al-Aziziya compound kung saan matatagpuan ang military command at control center ni Gadhafi ay hindi mabatid kung saan na nagtatago ngayon ang Libyan President.
Tiniyak ng kanyang mga kapanalig na ligtas si Gadhafi at wala siya sa nasabing compound nang paulanan ito ng missiles.
Nagawa pang magsalita si Gadhafi sa telepono bago ang pagpapaulan ng missiles sa kanyang headquarters subalit hindi malaman kung saang safehouse na siya nagtatago.
Ipinaliwanag ng US-UK led coalition forces na hindi nila puntirya si Gadhafi at layunin lamang nilang pilayin ang mga air base at puwersa nito upang hindi na makapang-harass sa mga sibilyan.
Bunga ng tumitinding mga pambobomba sa Tripoli at Benghazi, nanawagan na ang Embahada ng Pilipinas sa Tripoli ng force evacuation para sa libu-libo pang Pinoy na natitira sa Libya.
Nabatid na kahapon mayroon ng 100 overseas Filipino workers (OFWs) ang nakahandang lumikas at inaayos na ng Embahada ang kanilang pag-alis sa Tripoli patungong border ng Tunisia. Inaayos na rin ng Philippine Overseas Labor Office and kanilang travel documents.
Iniulat ng Embahada na walang Pinoy na nasaktan o nasawi sa nasabing pambobomba ng US-UK led forces sa Tripoli at Benghazi.
Una nang sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may 2,600 pang Pinoy na karamihan ay medical workers na nasa 100 hospitals sa Tripoli at Benghazi ang nagpahayag na gusto nilang manatili.
Dahil sa tumitinding sitwasyon, isa-isang nang lilikas ang mga OFWs para matiyak ang kanilang kaligtasan kasabay na rin ng panawagan ng pamahalaan na force evacuation sa Libya.
Wala namang masabi ang DFA sa kalagayan ng apat na Pinoy na nasa panganib din ang kalagayan na kasalukuyang naglilingkod sa bahay ng pamangkin ni Gadhafi.
Inamin ng DFA na bagaman dumadaan na sila sa diplomatic channel upang masagip ang apat ay mahirap sa ngayon na makipag-usap mismo sa kampo ni Gadhafi dahil sa nararanasang krisis.
Matapos na dumanas ng pambobomba ang Benghazi, tuluyang naputol na ang komunikasyon sa mga contact na Pinoy doon. May mahigit 400 Pinoy medical workers ang nasa iba’t ibang ospital sa Benghazi.