Seguridad ng 17,000 Pinoy sa Syria titiyakin - DFA
MANILA, Philippines - Inalerto na ng pamahalaan ang 17,000 Pinoy sa Syria dahil sa tumitinding karahasan doon bunga ng mga demonstrasyon ng anti-government protesters.
Ayon kay DFA spokesman Ed Malaya, inatasan na ng Department of Foreign Affairs si Ambassador Wilfredo Cuyugan ng Embahada ng Pilipinas sa Damascus na imonitor ang mga nangyayaring karahasan sa Syria at tiyakin ang seguridad ng libu-libong OFWs.
Ayon kay Malaya, nakahanda na rin ang contingency plan ng Embahada at sakaling tumindi pa ang kaguluhan ay maaaring ikasa ang boluntaryong paglilikas sa mga Pinoy dito. Pinapayuhan ng DFA ang mga Pinoy na umiwas sa mga matataong lugar lalo na sa mga pinagdadausan ng rally.
Tiniyak din ng DFA na maging ang may daang Pinoy peacekeepers na naka-istasyon sa Golan Heights ay nakahandang tumulong sa paglilikas ng mga Pinoy sa Syria.
Noong Biyernes ay may 5 katao ang nasawi habang marami pa ang nasugatan nang magka-engkuwentro ang mga Syrian protesters at government troops.
- Latest
- Trending