MANILA, Philippines - Bubulaga sa mga motorista ang P169 singil sa Skyway mula Bicutan hanggang Alabang sa kalagitnaan ng Abril.
Ayon kay Ed Nepomuceno,vice president ng Skyway Corporation, aabot na sa kabuuang 80 kilometro ang sakop na kalsada ng Skyway.
Itataas sa P169 ang toll fee kasama ang ipapataw na buwis mula sa dating P120 na singil mula sa Makati hanggang Bicutan.
Tiniyak naman ni Nepomuceno na dumaan sa mabusising structural design ang idinagdag na kalsada ng Skyway kaya nakatitiyak sila na ligtas kahit pa magkaroon ng malakas na paglindol sa Metro Manila.
Sinabi naman ni Engr. Jaime Cancio, structural designer ng Skyway, mas pinatibayan ang mga ginamit na materyales sa Skyway para makatiyak na ligtas itong gamitin ng publiko.
Tiniyak din ni Cancio na nakapuwesto ang Skyway lihis sa West Valley Fault line, kaya kahit pa magkaroon ng lindol ay hindi maaapektuhan ang istruktura nito.