MANILA, Philippines - Naka-alerto ang mga opisyal ng Bureau of Quarantine (BoQ) sa tatlong terminals ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para manmanan at maiksamin nila ang mga frozen meat, fish, animals, at iba pang mga agricultural products mula sa Japan matapos aminin ng Japan authorities na kontaminado na ng radioactive iodine ang kanilang food products.
Sinabi ni Dr. Simeon Amurao, hepe ng Animal Quarantine sa ilalim ng pamamahala ng Department of Agriculture, na iniutos niya sa kanyang mga tauhan na magmanman sa mga darating na mga pagkain mula sa Japan na bitbit ng mga pasaherong dumating mula sa nasabing bansa kaya may koordinasyon din sila sa mga tauhan ng Bureau of Customs sa mga paliparan sa NAIA.
Ayon kay Amurao, ang mga pasaherong makikita na may mga bitbit at dalang mga nasabing pagkain galing Japan ay pansamantalang kukumpiskahin at dadalhin sa Philippine Nuclear Research Institute (PRNI) para ang mga ito ang magbigay ng clearance kung puwedeng makain ng tao.
Nauna rito, iniulat na nagkaroon ng malubhang sira ang nuclear power plant dahil sa 9 lakas ng lindol na yumanig dito at kasunod ang dambuhalang tsunami na naging sanhin ng malaking pagkasira ng mga ari-arian at pagkamatay ng libong mamamayan doon.
Sinabi ni Amurao, na ‘no permit, no products’ policy ang ipinatutupad sa lahat ng international airport sa bansa at umapela rin ito na kung maari ay huwag munang magpasok ng mga pagkain sa Pilipinas hanggang wala pang clearance na puwede na ito para sa human consumption.