MANILA, Philippines - Pinaulanan ng sunud-sunod na Tomahawak cruise missiles at air strikes ng United States, Britain at France ang bansang Libya na pumilay sa depensa ni Libyan President Moammar Gadhafi, kahapon ng madaling araw.
Base sa report, 110 Tomahawk missiles ang pinakawalan ng US at British forces na sumira sa Air Force Defense ni Gadhafi at tuluyang nagwasak sa mga kontroladong kampo ng mga militar nito habang pinasabog pa ang may 3 tangke at mga behikulo na nagtangkang pumasok sa Benghazi upang sumalakay sa mga sibilyan.
Ang nasabing military joint operation ay tinawag ni US Pres. Barack Obama na “Operation Odyssey Dawn”.
Sinabi ni Obama na binigyan niya ng awtorisasyon ang kanyang militar na isagawa ang Operation Odyssey Dawn upang ipatupad ang “no fly zone” sa Libya sa ilalim na rin ng mandato ng United Nations Security Council upang protektahan ang mga sibilyan na humihingi ng saklolo.
Tinawag naman ng United Kingdom ang kanilang military action na “Operation Ellamy” habang ang Canada ay “Operation MOBILE” at ang France na “Operation Harmatan”.
Kinondena naman ni Gadhafi ang naturang joint military operations ng US, UK, Britain, France, Canada, Italy, Arab League na suportado rin ng NATO forces at tinawag ang ginawang pagpapasabog sa Libya na isang “barbaric at unjustified crusader’s aggression”.
Nagbabala si Gadhafi na pagsisisihan ng mga ito ang pakikialam sa internal affairs ng Libya. Nagsisilbi umano ngayong human shield ni Gadhafi ang mga tagasuporta nito.
Ayon sa Libya State TV, kabilang sa mga na-target ng mga pinakawalang missiles ang mga sibilyan sa Tripoli na ikinasawi ng 48 katao at pagkasugat ng 150 iba pa habang natamaan din ang mga fuel tanks sa Misrata.
Ang unang air strikes ng US at UK ay pinakawalan mula sa coast ng Libya palibot sa Tripoli at Misrata kung saan nakaporma ang integrated missile defence systems ng UN joint forces.
Sa airstrikes at missile attacks, ang US ay gumagamit ng F-15, F-16 at F-18 jets, supersonic F-22 Raptor jet fighter, RC-135 Rivert Joint para sa intelligence gathering o pang-espiya sa himpapawid at EC-130H Compass Call na sumisira sa kumonikasyon ng kalaban; ang France ay may 20 warplanes, 3 submarines, 2 guided at Tomahawk cruise missiles at 3 warships; Canada may 6 na F-16; Britain, tornadoes at ang Denmark ay ipinorma ang kanilang Tomahawks.
Suportado naman ng Pilipinas ang pinatutupad na “no fly zone” sa Libya bilang miyembro ng UN.
Ayon kay DFA spokesman Ed Malaya, na ang ginagawang military operation ng US at iba pang UN member countries sa Libya ay hindi na makakaapekto pa sa mga Pinoy dahil karamihan ay nailikas na maliban sa apat na nasa kamay ng pamangkin ni Gadhafi.
Mananatili aniya si Ambassador Alejandrino Vicente sa Embahada ng Pilipinas sa Tripoli upang tiyakin na nasa ligtas na kalagayan ang may 2,600 Pinoy na pawang medical workers na nagpasyang manatili sa Libya.