Sitwasyon sa Syria minomonitor na rin

MANILA, Philippines - Binabantayan na rin ng Malacañang maging ang sitwasyon sa Syria na tumataas na rin ang tensiyon dahil sa mga nagpo-protesta laban sa gobyerno.

Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, inaasahan na rin ang pagbuo ng plano ng Department of Foreign Affairs para sa mga OFWs na nagtatrabaho sa nasabing bansa.

Kaugnay nito, tiniyak ni Valte na may sapat na pondo ang gobyerno na magagamit sa paglilikas ng mga Pinoy sa mga lugar na nagkakaroon ng kaguluhan.

Sinabi ni Valte na bago mangyari ang krisis sa Libya nasa P13 milyon ang pondo para sa mga OFWs at sa kasalukuyan ay may natitira pang P11 milyon.

Mismong si Budget Sec. Florencio Abad ang tumiyak na may pondo ang pamahalaan sakaling kailanganin.

Idinagdag ni Valte na “welcome” din ang mga tulong na nais ipagkaloob ng mga airline companies tulad ng Cebu Paficic at Philippine Airlines na nag-alok umano ng transportasyon para sa pagdadala ng mga “goods” o tulong sa Japan na sinalanta ng ma­lakas na lindol at tsunami.

Show comments