MANILA, Philippines - Isang fighter jet ni Libyan President Moammar Gadhafi ang pinasabog sa ere kahapon kasabay ng deklarasyon ng mga bansang kasapi ng United Nation, Arab League at NATO forces na umpisahan na ang pag-atake sa Libya.
Pasado alas-4 ng hapon nang pabagsakin ang military jet matapos magtangka ang tropa ni Gadhafi na pasukin ang Benghazi na nakubkob ng anti-government protesters. Ang paglipad ng nasabing jet fighter ay paglabag sa pinaiiral na “no fly zone” ng United Nations Security Council. Hindi pa inihayag ng mga nakaposisyong UN joint forces kung sino ang nagpasabog sa fighter jet.
Una rito ay nagdeklara ng ceasefire si Gadhafi pero hindi ito tinupad ng Libyan leader at patuloy ang isinasagawang pambobomba sa mga rebeldeng Libyano at sibilyan sa mga lugar sa Misrata, Ajdabiyah at Zintan. May 28 katao ang iniulat na nasawi sa nasabing pag-atake ng Gadhafi forces.
Bunsod nito, ilang oras matapos ang “emergency summit” sa Paris, France ng Arab League at European Union ay inihayag ng United Nations na itutuloy ang airstrike at anumang oras ay isasagawa ito alinsunod na rin sa mandato at basbas ng UN Security Council kasunod ng isang resolusyon na nag-aapruba ng “no fly zone” sa Libya.
Gagamit umano ng mga high-tech na armas at F-15, F-16 jets, at supersonic F-22 Raptor jet fighter na kauna-unahang gagamitin ng US Air Force habang nakaposisyon ang kanilang RC-135 Rivert Joint na armas ng Amerika sa intelligence gathering sa himpapawid bukod pa sa EC-130H Compass Call na sisira sa komunikasyon ng kalaban.
Nakapuwesto na rin at nag-aantay lang ng go signal ang CF-18 fighter jets ng Canada at mga warship at warplanes ng iba pang mga bansa.
Sa pahayag naman ni US Sec. of State Hillary Clinton, hindi kapani-paniwala ang ceasefire ni Gadhafi at salita lamang ito at dahil sa kanilang impormasyon ay tuluy-tuloy ang ginagawang pag-atake at pagpatay sa mga sibilyan kaya susuporta ang US sa intervention upang pabagsakin sa puwesto si Gadhafi.
Kaugnay nito, gumagawa na ng hakbang ang Department of Foreign Affairs sa pamamagitan ng diplomatic channel upang makuha ang apat na Pinoy na kasambahay ng pamangkin ni Gadhafi.
Nabatid sa DFA na umaabot na sa mahigit 13,000 Pinoy mula sa 26,000 kabuuan ang nailikas sa Libya at mahigit 8,000 na ang nakauwi sa Pilipinas. May mahigit 2,5000 medical workers naman ang nagpasyang manatili sa mga ospital at ang iba ay nakapag-asawa ng mga Libyano.