Jessica kinasuhan na ni Hubert
MANILA, Philippines – Binuweltahan na ng kontrobersyal na si Hubet Webb ang nagsilbing star witness sa kaso ng Vizconde massacre na si Jessica Alfaro nang sampahan ito ng kasong “False Testimony” sa Office of the City Prosecutor sa Parañaque City kahapon.
Sinabi ni Atty. Zenaida Ongkiko-Acorda, abogado ni Webb, na nakapaloob sa complaint affidavit na nagsinungaling umano si Alfaro sa pagbibigay ng hindi totoong testimonya “under oath”.
Pinakamalaking pagsisinungaling umano ay ng sabihin nito sa korte na nakita mismo niya si Hubert nang gahasain si Carmela Vizconde noong Hunyo 29, 1991 pero sa affidavit noong Abril 1995 ay sinabi niya na hindi siya pumasok sa bahay ng mga Vizconde kaya hindi mangyayari na makita niya ng personal ang sinasabing krimen.
Nagsinungaling rin umano ito nang sabihin na kilala niya ng personal si Hubert na pinabulaanan ni NBI agent Mark So sa testimonya nito na tinuruan lamang niya at ni Agent John Herra si Alfaro para makilala si Webb sa korte. Sinabi rin nito na kilala niya ang iba pang akusado na sina Antonio Lejano at Miguel Rodriguez, ngunit nagkamali ito sa pagkilala sa huli.
Nasa Pilipinas daw si Hubert mula Hunyo 29-30, 1991 na pinabulaanan ng mga testimonya at ebidensya buhat sa pamahalaan ng Estados Unidos at Pilipinas kung saan nakasaad na nasa Amerika siya ng naturang mga araw.
- Latest
- Trending