MANILA, Philippines – Instant millionaire ang isang Abu Sayyaf tipster matapos itong tumanggap ng $70,000 o mahigit P3 milyong reward mula sa US government kaugnay ng pagkamatay ng isang wanted na miyembro ng bandidong grupo na sangkot sa pagdukot kina US missionary couple Gracia at Martin Burnham noong 2001.
Kinilala ni AFP-Western Mindanao Commmand spokesman Lt. Col. Randolph Cabangbang ang napatay na si Suhod Tanadjalin. Napaslang ang bandido sa pakikipag-engkuwentro sa mga elemento ng Army’s 32nd Infantry Battalion (IB) sa raid sa kuta ng mga Sayyaf sa Tuburan, Basilan noong Pebrero 8, 2011.
Ang suspek ay sangkot sa pagdukot sa 20 katao kabilang ang mag-asawang Burnham sa Dos Palmas Resort sa Puerto Princesa City, Palawan noong Mayo 27, 2001 kung saan ang mga hostages ay dinala at itinago ng Abu Sayyaf sa Basilan.
Noong Hunyo 2001 ay sugatang nailigtas ng militar si Gracia pero minalas na masawi sa palitan ng putok si Martin makaraan ang mga itong ilipat ng taguan sa Sibuco, Zamboanga del Norte.
Ayon kay Cabangbang, isang lokal na residente ng Basilan ang tipster na binayaran ng buo sa halagang $70,000 o katumbas ng P3,026,800 milyon ng Amerika kahapon ng umaga sa himpilan ng Special Operations Task sa lalawigan.