Mass evacuation sa Japan 'di pa kailangan - Palasyo
MANILA, Philippines – Iginiit ng Malacañang na hindi pa kailangan ang mass evacuation ng mga Filipino sa Japan at nananatili sa alert level 2 o voluntary evacuation ang ipatutupad ng pamahalaan.
Ayon kay Presidential Communications Group Sec. Ricky Carandang, confined lamang naman sa eastern side ng Japan ang sinasabing pangamba sa nuclear contamination sakaling magkaroon ng leak sa mga nuke plant nito.
Sinabi rin ni Carandang, maging ang pagbili ng maaga ng iodine na sinasabing panlaban sakaling kumalat ang nuclear leak sa bansa ay hindi pa kailangan.
Iginiit pa nito, ang kailangan lamang naman sa ngayon ay ilikas sa mas ligtas na lugar sa Japan ang mga Filipino at hindi na kailangang pauwiin sila sa bansa bagaman mataas ang banta ng radiation sa pagsabog ng Fukushima Daiichi Nuclear Power plant.
Nilinaw din ng opisyal, sakaling kailanganin na ang mass evacuation ng mga Pinoy ay handa ang gobyerno para sa kanilang repatriation.
- Latest
- Trending