MANILA, Philippines - Naalarma ang pamunuan ng Department of Education (DepEd) hinggil sa pagdami ng mga guro na nagkakaroon ng sakit sa puso, hypertension, diabetes at iba pang komplikasyon.
Ayon kay Education Secretary Armin Luistro, napapabayaan na ng mga guro ang kanilang katawan bunsod ng pagiging “subsob” nila sa pagtuturo sa kani-kanilang mga estudyante.
Bunsod nito ay isinulong ng DepEd ang kanilang “wellness program” hinggil sa pagkakaroon ng 30 minutong pag-exercise sa pamamagitan ng jogging tatlong beses kada isang linggo bago pumasok sa klase.
Anang kalihim, mahalaga ang pagkakaroon ng exercise sa katawan para maiwasan ang pagkakaroon ng ano mang karandaman.
Inihayag din ng kalihim na mahalaga ang pagkakaroon ng “healthy life style”. iwasan ang sobrang pag-inom ng nakalalasing na inumin at paninigarilyo.
Ang programa ay tinawag na “I AM FIT” na pamamahalaan ni Director Cesar Abalon ng Physical Fitness, Wellness and Recreation Office.