Mga nababagansiya ligtas na sa kulong
MANILA, Philippines - Hindi na maaring hulihin at ikulong ang mga taong nagpapakalat-kalat sa kalye lalo na sa gabi sa sandaling maging ganap na batas ang panukala sa Senado na naglalayong ibasura ang batas tungkol sa vagrancy o bagansiya.
Pumasa na sa ikatlo at huling pagbasa ang nasabing panukala na naglalayong amiyendahan ang Article 202 ng Republic Act 3815 o Revised Penal Code.
Ayon kay Senator Miriam Defensor-Santiago, isa sa mga nagsulong ng panukala, hindi na dapat ituring ng criminal offense ang vagrancy lalo pa’t naaabuso lamang ang nasabing batas ng ilang tiwaling kagawad ng pulisya.
Ginagawa rin umanong sangkalan ng ilang police enforcers ang vagrancy law upang manghuli ng mga taong nasa kalye ng wala namang sapat na dahilan.
Kung ganap na maisasabatas, ang mga taong kasalukuyang nakakulong dahil sa vagrancy ay dapat umanong pakawalan sakaling wala namang ibang krimen na nakasampa laban sa mga ito.
- Latest
- Trending