MANILA, Philippines - Matapos ang mapanganib na pagtagas ng radiation, tuluyan nang inabandona ng mga awtoridad ang Fukushima Daiichi Nucleat Power Plant kahapon.
Ayon sa report, sinuspinde na ang operasyon ng Daiichi at tuluyang iniwan ng mga manggagawa dahil sa banta ng radiation.
Sinabi ng Japan authorities na upang mapigilan ang meltdown ng planta ay kailangan nilang suspindihin o itigil ang operasyon nito. Ipinatutupad din ang no-fly zone sa 30 km radius mula sa power plant.
Bunsod nito, nakataas na sa alert level 6 ang alarma sa naturang planta kung saan isang level na lang upang umabot na sa pinakamataas na alert level 7. Base ito sa pagtaya ng France Nuclear Safety Authority (FNSA).
Pinangangambahan na posibleng matulad ang kasalukuyang nararanasang krisis sa Japan sa nangyari sa Chernobyl Nuclear Power Plant noong April 26, 1986 sa Ukraine na umabot sa alert level 7 ng International Nuclear Event Scale.
Bunga ng pagsabog ng mga reactors ng Chernobyl sa Ukraine ay naapektuhan ang malaking bahagi ng western Soviet Union, Eastern Europe at Northern Europe. Malaking bahagi rin ng Ukraine, Belarus at Russia ang inilikas at umaabot sa 336,000 katao ang inilayo sa lugar. Bagaman itinaas ng FNSA sa alert level 6 ang nuclear crisis sa Japan, nakataas pa lamang sa alert level 4 ang Japan base sa kanilang pagtaya sa sitwasyon sa nasabing power plant.