MANILA, Philippines - Nasa 4,500 Pinoy na nasa Sendai, Miyagi prefecture at Fukushima sa Japan ang nagsimula nang lumikas upang makaiwas sa posibleng nuclear leak sa lugar mula sa sumabog na Daichi Nuclear Power plant bunga ng matinding magnitude 9 na lindol noong Biyernes kasunod ang tsunami.
Pinayuhan ng Philippine Embassy sa Japan ang mga Pinoy na magtungo sa mas ligtas na lugar upang makaiwas sa posibleng nuclear leak sa Fukushima.
Bukod sa nararanasang patuloy na aftershocks at pagsabog ng nasabing nuclear plant na pinangangambahang magdudulot ng radiation leak sa lugar ay wala nang makain ang mga residente sa Sendai na lubhang tinamaan ng 33 talampakang tsunami habang sa Minami Sankiru sa Miyagi Prefecture ay may nakuha umanong 2,000 bangkay sa pagpapatuloy ng search and rescue operations ng Japan rescuers at ibang international response team.
May 1,600 katao ang kumpirmadong patay at hindi pa kabilang ang sinasabing 2,000 nakuhang mga katawan. May 10,000 katao sa Minami Sankiru ang pinaniniwalaang naanod ng malakas na tsunami kasama ang kanilang tahanan nang rumagasa ang malakas na agos may 3.3 kilometro mula sa karagatan.
Ang paglilikas sa mga Pinoy pauwi sa Pilipinas o lumipat sa mas ligtas na lugar ay upang matiyak ang kanilang kaligtasan dahil sa matinding kakapusan na ng pagkain at inumin at upang iiwas sa epekto ng pagsabog ng nasabing planta bagaman ang iba ay tumangging lisanin ang kanilang tahanan dahil sa mga nakapag-asawa ng Hapones.
Sa report ng Embahada ng Pilipinas sa Tokyo sa Department of Foreign Affairs, pinipilit na nilang makontak ang Filipino community members na apektado ng lindol.
“Filipinos in Tokyo, Osaka and Western Japan are deemed relatively safe. In fact some of them have pooled their efforts and resources in helping those who were adversely affected by the quake,” ayon kay Ambassador Manuel Lopez.
Kahapon ay nakarating na rin ang ipinadalang consular team ng Embahada sa Sendai City at unang tinungo ang may 10 estudyanteng Pinoy ng Tohoku University na nasa ligtas nang kalagayan .
Hanggang kahapon, sinabi ni Ambassador Lopez na wala pang Pinoy ang naiuulat na nasugatan o nasawi sa lindol at tsunami.
Nilibot kahapon ng consular team ang paligid ng Sendai upang matunton ang mga Pinoy kabilang na ang mga evacuation centers sa Tachimachi Elementary School at Kimachidori Elementary School kung saan may mga PInoy na nakalikas dito at nasa ligtas na kalagayan.
Isa pang consular team ang tumungo sa Sendai at Morioko kahapon upang makipag-ugnayan naman sa local authorties upang makakalap ng mga impormasyon sa mga Pinoy sa lugar at sa mga inabot nilang pinsala sa lindol at tsunami.