Gusali sa Caloocan, Maynila iinspeksiyunin dahil sa lindol

MANILA, Philippines - Inatasan ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang city engineering office na muling magsagawa ng inspeksiyon sa lahat ng gusaling nakatayo sa lungsod upang matiyak na hindi ito babagsak sakaling magkaroon ng malakas na paglindol sa bansa.

Simula ngayon ay isa-isang iinspeksiyunin ng city engineering office ang mga gusali at sakaling may mga establisiyamento na makikitang hindi sumusunod sa building code ay posibleng mabigyan ng babala ang may-ari nito.

Bukod sa babala ay posible ring makasuhan ang mga may-ari ng gusali kapag hindi inayos ng mga ito ang mga makikitang aberya ng inspection team upang matiyak na kakayanin nito ang anumang klase ng pag-alog.

Ayon kay Echiverri, ang aksiyon na ito ng lokal na pamahalaan ay bilang paghahanda na rin sa posibleng pagkakaroon ng malakas na paglindol katulad na lamang ng tumama sa bansang Japan noong Biyernes ng hapon.

Samantala, maging sa lungsod ng Maynila ay nagsimula nang siyasatin ang mga abandonadong gusali gayundin ang mga may bitak upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Inatasan na rin ni Ma­nila City Administrator Jesus Mari Marzan si City Building Official Engr. Melvin Balagot upang makipag-ugnayan sa mga may ari ng gusali na delikado bilang paghahanda sa lindol.

Nabatid kay Balagot na regular naman silang nagsasagawa ng inspeksiyon sa mga gusali particular na sa mga matataong lugar. (Danilo Garcia at Doris Franche)

Show comments