MANILA, Philippines - Nanawagan kay Pangulong Aquino ang ilang kilalang personalidad na resolbahin agad ang reklamong graft and corruption laban kay Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Amando M. Tetangco Jr. na nakabinbin sa tanggapan ni Ombudsman Merceditas Gutierrez.
Sa pangunguna ni dating Vice-President Teofisto Guingona, sinabi ng grupo na puminsala sa sistema ng pagbabangko at sa ekonomiya ng bansa ang mga umano’y paglabag ni Tetangco sa New Central Bank Act gayundin sa ilan pang kaugnay na batas na BSP mismo ang dapat na nagpapatupad.
Kailangan umanong maresolba muna ang mga kaso ng katiwalian ni Tetangco sa Ombudsman bago ito maging karapat dapat sa anumang puwesto sa gobyerno.
Nakatakdang magtapos ang termino ni Tetangco bilang BSP Governor sa Hulyo 2011.
Ayon naman kay dating Sen. Aqulino Pimentel, dapat munang linisin ng sinumang nahaharap sa kasong katiwalian ang kaniyang sarili bago ito tumanggap ng anumang puwesto sa pamahalaan.
Naniniwala naman sina Medal of Valor Awardee retired Marine Col. Ariel Querubin; dating Securities and Exchange Commission Chairman Perfecto Yasay Jr.; Dr. Oscar Suarez na dating pangulo ng Philippine Christian University; UP Professor of Law at Human Rights Lawyer Harry Roque; Advocates for Truth in Lending President Eduardo Olaguer, United Church of Christ in the Philippines General Secretary Bishop Reuel Marigza at Chief of Staff Bishop Jessie Suarez, na ang ’di umano pagsunod ni Tetangco sa Implementing Rules and Regulations ng Republic Act 3765 o ang Truth in Lending Act at sa Central Bank Circular No. 158 na siyang nagtatakda ng statutory simple annual interest rates sa lahat ng mga lending contracts kabilang na ang mga credit card ang dahilan kung bakit lumobo sa P29.5 bilyon kada taon ang maituturing na ilegal na interes at financing charges na nakolekta mula sa mga biktimang borrowers.
Sinasabi naman ng Advocates for Truth in Lending na nagdulot ng ‘undue injury’ ang tinatawag na malawakang interest computation-and-billing malpractices ng mga bangko at lending institutions na lalong nagpalaki sa kasalukuyang interest rates na ipinatutupad ng mga commercial banks kung saan ang mga biktima ay ang pribadong sektor na siyang humihiram ng pera.
Binatikos din nila ang umano’y kawalang aksyon ng BSP sa pamumuno ni Tetangco sa mga kuwestiyonableng transaksyon na naungkat sa pagdinig ng kongreso laban kay dating AFP Comptroller Gen. Carlos Garcia kung saan nakapaglabas umano ito ng P128 milyong piso mula sa bangko at ang ulat na maging ang pamilya Ampatuan ay nakakuha na rin ng milyong piso mula sa kanilang account.