MANILA, Philippines - Nagpasalamat sa media ang Malacañang dahil sa mabilis na pagpapakalat ng tsunami alert kamakalawa lalo na sa mga lugar na malapit sa karagatan.
Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte mabilis na naipakalat ang balita tungkol sa tsunami alert matapos ang malakas na paglindol sa Japan kaya maaga pa lamang ay agad na nai-evacuate ang mga residente malapit sa karagatan.
“Nang pumutok ang balita gumalaw ang lahat. Kaakibat natin ang kaibigan sa media para mailabas nang mabilis ang information,” pahayag ni Valte.
Dahil umano sa maagang pagpapakalat ng tsunami alert walang naapektuhang mamamayan ng dumating na ang mga malakas na alon sa karagatan ng Pilipinas.
Pinuri rin ni Valte ang mabilis na pagkilos ng mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan na nasakop ng tsunami alert.