MANILA, Philippines - Makaraang makapagtala ng record na pinakamataas na presyo sa mga bilihin ang United Nations, nagbabala ngayon ang Department of Trade and Industry (DTI) sa publiko laban sa “panic buying”.
Sa datos ng UN Food and Agriculture Organization’s Food Price Index, naitala ngayong Pebrero ang pinakamataas na presyo ng mga bilihin na tumalo sa dating rekord noong 2008. Dulot rin ito ng kaguluhan sa mga bansa na nagsu-suplay ng langis sa Gitnang Silangan at pag-i-stock ng malalaking kumpanya ng pagkain.
Ngunit sa Pilipinas, nilinaw ni Undersecretary Zenaida Maglaya na walang epekto ang problema sa langis sa suplay ng pagkain sa bansa kaya hindi dapat magkaroon ng panic buying sa mga Filipino.
Nilinaw naman ni Steven Cua, pangulo ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association Inc., na wala pa silang namo-monitor na “panic buying” sa bansa.
Sa kabila nito, sinabi ni Maglaya na doble kayod sila ngayon sa pagmo-monitor sa mga pamilihan laban sa overpricing na ipinatutupad ng mga negosyante at retailers sa mga pangunahing bilihin.