MANILA, Philippines - Niyanig ng napakalakas na 8.8 magnitude na lindol ang bansang Japan kahapon na sinundan ng malalakas na aftershocks at nagbunsod ng ga-higanteng tsunami na tumangay at sumalanta sa libu-libong bahay, mga sasakyan, barko, gusali at pananim.
Sa pinakahuling report ay umabot na sa 40 ang namatay at inaasahang tataas pa ang bilang.
Ang lindol na tumama dakong alas-2:46 ng hapon ay nagdulot ng 13-talampakang taas na tsunami sa east coast ng Honshu, Japan. Sinundan ito ng serye ng mga aftershocks, kabilang ang isang 7.4 magnitude.
Agad nag-isyu ng tsunami warning ang Pacific Tsunami Warning Center sa Hawaii sa may 20 bansa habang tsunami watch naman ang ipinalabas sa Pilipinas, Guam, Taiwan, Indonesia at Hawaii.
Isa ang Pilipinas sa posibleng makaranas ng tsunami dahil napapaligiran ng tubig o karagatan ang mga pulo ng bansa.
Bunsod nito, itinaas na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang alert level 2 sa 19 na lugar sa bansa na posibleng tamaan ng tsunami kabilang ang Batanes Islands, Cagayan, Ilocos Norte, Isabela, Quezon, Aurora, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Catanduanes, Sorsogon, Northern Samar, Eastern Samar, Leyte, Northern Leyte, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Davao Oriental, Davao del Sur.
Ayon kay Phivolcs director Renato Solidum Jr., sa Tsunami Alert level 2 ay makakaranas ng kakaibang galaw ng alon sa karagatan kaya pinapayuhan ang mga residente sa nabanggit na mga bayan na maging mapagmasid sa anumang unusual waves na malamang umabot sa 3 metro ang taas.
Pinayuhan din ng Phivolcs ang mga residente na lumikas at umakyat sa mas mataas na lugar at ‘wag panoorin ang tsunami dahil kahit 3 feet lang ito ay may puwersa pa rin ito para makapaminsala o makapatay ng tao.
Naitala ng US Geological Survey na ang epicenter ay nasa 130 kilometers ng coast ng Sendai, Honshu, Japan o 178 Km. east ng Yamagata, Honshu o 17 km east-northeast ng Fukishima, Honshu o 373 km northeast ng Tokyo.
Nito lang Miyerkules ay tinamaan din ng 7.3 magnitude quake ang Japan.
Sinasabing ang 8.8 lindol ang pinakamalakas na naganap sa Japan sa loob ng maraming taon.
Sa tala ng DFA, may kabuuang 305,972 Pinoy sa Japan at 224,558 dito ay nasa central at northern region habang 84,414 Pinoy ang nasa western at southern regions.
Sa mga may kaanak sa Japan, puwedeng makipag-ugnayan sa DFA hotline 834-4646 at 834-4580 o e-mail address dfaoumwa.cmc@gmail.com.