MANILA, Philippines - Pinag-aaralan na ng mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod ng Caloocan kung maaaring ireklamo sa Department of Interior and Local Government ang kanilang vice mayor na si Egay Erice dahil sa umano’y palagian nitong pag-walkout sa kanilang session.
Ayon kay Caloocan City 1st District Councilor Ramon Te, tumatayong deputy majority leader ng Sangguniang Panglungsod, dapat lamang na mabigyan ng tamang pagdisiplina ang kanilang presiding officer dahil nababalam ang kanilang trabaho sa tuwing magwa-walk-out ito.
Unang nag-walk-out si Erice noong January 28, 2011 nang magkaroon ng special session.
Hiniling na din ni Te sa mga miyembro ng Sanggunian na patawan ng karapat-dapat na disiplina si Erice.
Kabilang sa mga ordinansang nababalam ay ang pagpasa sa Pangtawid Pangpamilya Program na proyekto mismo ni Pangulong Noynoy Aquino na layuning matulungan ang mga mahihirap na residente ng lungsod.
Bukod dito, lumalampas din umano si Erice sa kanyang tungkulin bilang presiding officer kung saan ay gusto nitong gawin ang mga trabaho na dapat ay ang mga konsehal lamang ang gumagawa.