Pagbansag ng 'Negro', 'Egoy', 'Bumbay' may kulong at multa
MANILA, Philippines - Anim na buwang kulong at multang P5,000 ang ipapataw sa sinumang tatawag sa isang maitim na tao bilang ‘negro’, egoy’ o ‘bumbay’ sa isang Indian national, habang nasa hurisdiksiyon ng Maynila.
Ito ay kung maipapasa ang panukalang ordinansa sa Manila City Council ni Councilor Rodolfo Lacsamana ng 2nd district ng Tondo.
Layunin ng konsehal sa panukalang isinalang sa first reading kamakalawa na hindi dapat magkaroon ng diskriminasyon sa race o lahi at religious profiling ng isang tao.
Aniya, ang mga pagtawag ng Bumbay, Mangyan, Egoy, Nognog, Negro, Ita at tulad din ng ethnic groups na Maranaos, Tausugs, at Maguindanao na kanilang pinagmulan ay nagdudulot ng diskriminasyon kaya nahihirapan silang mapili sa papasukang trabaho sa Maynila.
Sakaling maisabatas ito ay ipagbabawal na sa Maynila ang anumang racial, religious profiling at diskriminasyon sa anumang paraan maging sa pagtanggap sa kanila bilang transients o okupante ng hotel, aplikasyon sa pagnenegosyo, pag-enroll sa private schools, karapatang maprotektahan ng law enforment office at iba pang government authority at paga-aplay ng trabaho, pribadong sektor man o gobyerno.
- Latest
- Trending