Pinay na namatay sa NZ quake kinilala na
MANILA, Philippines - Kinilala na ang isang Pinay nurse na kabilang sa 11 Pilipino na natabunan sa gumuhong gusali sa 6.3 lindol sa New Zealand.
Sa ipinalabas na listahan ng mga pangalan ng mga kumpirmadong patay ng New Zealand Police kahapon, isa rito ang Pinay na si Ivy Jane Cabunilas, 33, tubong Consolacion, Cebu.
Dakong alas-3 ng hapon (oras sa New Zealand) kahapon nang ilabas ang mga pangalan ng panghuling 8 biktima kabilang si Cabunilas.
Si Cabunilas ang kauna-unahan sa 11 Pinoy na kinilala ang bangkay sa pamamagitan ng mga dental records nito at sa mga isinumiteng dokumento para sa kanyang pagkakakilanlan.
Kasama si Cabunilas sa mga estudyante na kasalukuyang nasa English class sa King’s Education sa Canterbury Television (CTV) building noong Pebrero 22 nang maganap ang matinding pagyanig sa Christchurch City.
Base sa NZ Police, mula sa 160 katawan na nakuha sa mga gumuhong gusali sa Christchurch ay 64 katao pa lamang dito ang kinikilala kasama na si Cabunilas.
Bukod kay Cabunilas, 10 pang kasamahan na sina Jessie Lloyd Redoble, John Kristoffer Chua, Ezra Mae Medalle, Emmabelle Anoba, Jewel Francisco, Mary Louise Anne Amantillo, Valquin Bensurto, Rhea Mae Sumalpong, Erica Nora at Lalaine Agatep ang ikinokonsidera ng patay ng NZ authorities.
- Latest
- Trending