Passport ni Hubert sinusuri ng DOJ
MANILA, Philippines - Isinailalim na sa pagsusuri ng Inter-Agency Task Force ng Department of Justice ang orihinal na pasaporte ni Hubert Webb kaugnay sa isinasagawang re-investigation ng Vizconde massacre.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, mahalagang matukoy kung tunay ang mga depensa ni Hubert sa mababang korte noong dinidinig pa ang kaso. Ang pagsusuri ay isinagawa mismo sa DOJ.
Sa depensa ni Webb sa korte, kanyang sinabing nasa Estados Unidos siya nang mangyari ang pagpatay sa mag-iinang Estrelita Vizconde kontra sa salaysay ng testigong si Jessica Alfaro.
Kabilang ang pasaporte ni Webb sa ebidensyang iprinisinta noon sa korte ng mga abogado nito sa kasagsagan ng pagdinig sa kaso.
Nagpapasalamat naman ang task force sa kooperasyon ng kampo ni Webb dahil sa pagpayag nitong ipasuri ang orihinal na passport.
Ayon kay de Lima, layon ng pagberipika sa original passport ni Webb na malaman kung si Webb ay nasa bansa o nasa Estados Unidos nang maganap ang karumal-dumal na masaker.
- Latest
- Trending