MANILA, Philippines - Mistulang nabunutan ng tinik si Directorate for Police Operations-Northern Luzon Chief P/Director Roberto Rosales sa alegasyong protektor ito sa pamamayagpag ng mga carjacking syndicates sa bansa.
Sa panayam ng PNP Press Corps sa Camp Crame, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo na base sa resulta ng imbestigasyon ng binuong inter-agency task force, walang anumang ebidensya na magdadawit at magpapatunay na sangkot at binibigyang proteksyon ni Rosales ang mga carjacking syndicates.
Muli ring ipinunto ni Robredo na maging ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na sinasabing pinagmulan ng ulat ay itinangging mayroon silang intelligence reports na sabit sa carjacking syndicates si Rosales.
“There was no allegation that General Rosales used a stolen vehicle which could be a basis to have him investigated. There was also no paper trail or other physical evidence against him,” ani Robredo na inamin pang posibleng nakaladkad lamang ang pangalan ni Rosales dahil sa pagiging malapit dito ni ret. Supt. Napoleon Cauyan na hinihinalang sabit sa sindikato.
Samantala, lusot na rin si Land Transportation Office (LTO) Chief Virginia Torres sa alegasyong sangkot ito sa pamemeke ng rehistro ng isang sports utility vehicle sa Tarlac. Ayon kay Robredo, nilagdaan lamang ni Torres, dating Chief ng LTO sa Tarlac ang renewal ng rehistro ng isang Mitsubishi Pajero noong 2009 dahil tatlong beses ng naiparehistro ang behikulo. Nakatakda nilang ipatawag ang predecessor ni Torres na tinukoy nitong si Leonilos.
Inirekomenda na ng naturang task force ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa 13 opisyal ng LTO na siyang nangasiwa sa pagpaparehistro sa SUV na gumamit ng mga pekeng dokumento.