MANILA, Philippines - Mariing pinabulaanan kahapon ni House Speaker Feliciano Belmonte na kanyang sinusuportahan sa impeachment case si Ombudsman Merceditas Gutierrez.
Sinabi ni Speaker Belmonte na “completely incorrect” ang lumabas sa isang pahayagan na sinusuportahan niya si Gutierrez.
Ipinaliwanag ni Belmonte na sinagot lamang niya ang isang text message sa tanong na kung hihimukin nito na humarap ang Ombudsman sa proseso at sinagot lamang niya ito na “hindi at bahala siya (Ombudsman) sa depensa nito.
Iginiit pa ni Belmonte na sa kanyang simpleng sagot ay hindi umano niya inaabogado o pinapayuhan si Ombudsman Gutierrez kung ano ang dapat gawin at sa halip ay bahala ito sa kanyang depensa.
Bukod dito out of context umano ang kanyang pahayag at ang istoryang lumabas sa isang pahayagan ay walang konkretong pahayag na sumusuporta sa headline.
Magugunitang si Gutierrez ay naghain ng Motion for Reconsideration sa Korte Suprema kasunod ng decision na pinahihintulutan ang lower house na ipagpatuloy ang impeachment case.
Inaasahan naman sa House Committee on Justice na pinamumunuan ni Iloilo Rep. Niel Tupas, Jr., na magbotohan na ngayon kung may probable cause ang impeachment case laban kay Gutierrez.
Samantala, nagpulong naman ang Liberal Party (LP) kahapon kasama si Pangulong Benigno Aquino III kaugnay ng nakahaing impeachment complaint laban kay Gutierrez sa Kamara.
Nagkaisa ang mga miyembro ng LP na suportahan ang pag-impeach kay Ombudsman Gutierrez.
Hinikayat din ng Pangulo ang lahat ng kanyang kapartido na makiisa sa pagpapa-impeach kay Gutierrez dahil sagabal umano ang Ombudsman sa ipinapatupad na reporma sa gobyerno.