Pamasahe ng mga sundalo, nauwi rin sa kurakot
MANILA, Philippines - Hindi lamang umano ang suweldo ng mga sundalo ang nakupitan ng mga dating opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kundi maging ang pondo para sa pamasahe ng mga ito na nakapaloob sa “R & R” fund.
Ayon kay Senator Jose “Jinggoy” Estrada, milyon din ang inaabot ng pondo para sa “R & R” kung saan maaaring kunin ang pamasahe ng mga sundalo kapag nagbabakasyon o umuuwi sa kani-kanilang probinsiya.
Matatandaan na nabunyag ang korupsiyon sa militar ng lumutang sa Senado si dating military budget officer retired Lt. Col. George Rabusa.
Ayon kay Estrada, nagbigay rin ng impormasyon si Rabusa na kabilang sa naipapa-convert na pondo ng militar ay ang R & R fund.
Sa ipinapa-convert na pondo nagmumula ang budget na inilalaan naman para sa sinasabing “pabaon” at “pasalubong” sa mga chief of staff ng AFP.
“He (Rabusa) mentioned to me once or twice that the funds for the R and R of the soldiers were also being diverted or converted so I will have to checked on it and once proven I will also exposed that during the hearing,” sabi ni Estrada.
Inihayag din ni Estrada na sa pagtungo niya sa headquarter ng Western Command sa Puerto Princesa, Palawan nitong Biyernes ay idinaing sa kaniya ng mga sundalo ang kawalan ng pamasahe tuwing umuuwi sila sa kanilang pamilya.
Bagaman at inamin ni Western Command commander Lt. Gen. Juancho Sabban na may R and R fund pa rin ang mga sundalo sa ngayon pero napakaliit na umano nito na aabot lamang sa P60 kada sundalo.
Tiniyak naman ni Estrada na ilalapit kay Defense Secretary Voltaire Gazmin ang problema ng mga sundalo.
- Latest
- Trending