Hirit ni Zubiri:Oil firms patawan ng 'windfall tax'
MANILA, Philippines - Igniit kahapon ni Senator Juan Miguel Zubiri na dapat patawan ng ‘windfall tax’ ang mga oil companies na kumikita umano ng malaki dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sinabi ni Zubiri na marapat lamang na patawan ng buwis ang sobrang kita ng mga kompanya ng langis na maliwanag umanong sumasakay sa krisis sa ilang bansa sa Middle East katulad ng Libya.
Ayon kay Zubiri, pinagkakakitaan pa ng mga oil companies ang nararanasang krisis ng mga mamamayan lalo na noong mga nawalan ng trabaho ang mga nagbabalik na overseas Filipino workers.
Idinagdag ng senador na nagkakaroon ng domino effect sa presyo ng mga pangunahing bilihin ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Matatandaan na nitong nagdaang araw ay nagpataw ng karagdagang P1 hanggang P2 sa presyo ng gasolina at diesel ang mga kumpanya ng langis sa bansa.
Sinabi ni Zubiri na palagi na lamang isinasangkalan ng mga kompanya ng langis ang pagtaas ng presyo sa world market kahit pa nabili nila ang kanilang produkto noong hindi pa tumataas ang presyo nito.
- Latest
- Trending