MANILA, Philippines - “Matatalino ang mga batang bulag, pipi at bingi.”
Ito ang inihayag kahapon ng pamunuan ng Department of Education (DepEd).
Ayon kay Dr. Yolanda Quijano, Undersecretary for program and projects ng DepEd, sa kasalukuyan ay may kabuuang 195,000 batang may ibat-ibang kapansanan sa pangangatawan ang naka-enroll sa Special Education Division (SPED) na patuloy na tinutustusan at binibigyan ng special na atensiyon sa pagtuturo ng DepEd.
“Ang mga batang may kapansanan ay magagaling sa Math, English, Sining, Musika at iba pang asignatura,” ani Dr. Quijano.
Gayunman ay inamin ng DepEd na kapos sila ng mga paaralan at mga guro para sa mga “special at gifted child” kaya hindi lahat ng mga batang may kapansanan ay nakakatuntong sa mga paaralan partikular na iyong mahihirap lamang ang kanilang pamilya.
Base sa impormasyon na nakarating sa DepEd, sinasabing dalawang porsiyento sa bawat batang isinisilang sa araw-araw ay may kapansanan sa pangangatawan at kailangan na bigyan ng matiyagang pagsubaybay at pagtrato.
Sa kabuuang 30-milyong bata sa bansa ay limang libo sa mga ito ay out of school youth at karamihan ay iyong may kapansanan sa pangangatawan.