MANILA, Philippines - Muling isinulong sa Senado ang panukalang batas na naglalayong ibaba sa 55-taong gulang ang edad ng mga miyembro na maaari ng maging pensioner ng Social Security System (SSS).
Sa Senate Bill 2702 na inihain ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., ipinaliwanag nito na ang “median age at death” ng mga Filipino ay 61.9 taong gulang.
Kung pananatilihin umano sa 60 hanggang 65-anyos ang edad para makakuha ng pensiyon ang mga miyembro sa SSS ay halos hindi na mapapakinabangan ang kanilang inipon.
Ayon kay Revilla, kung matatanggap agad ng mga pensioners ang benepisyong nararapat para sa kanila ay maaari pa itong magamit sa ibang kapaki-pakinabang na bagay katulad ng pagnenegosyo.