Walang iiwanang OFWs sa Libya - DFA

MANILA, Philippines - Siniguro kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang iiwanang OFWs sa Libya para masiguro ang kaligtasan ng mga ito.

Ayon kay DFA Sec. Albert del Rosario, tuloy-tuloy pa rin ang ginagawang evacuation sa Libya at kahit nagtakda na sila ng deadline sa Sabado ay magpapatuloy pa rin ang paglilikas sa mga Pinoy na nais nang umuwi ng bansa.

Aniya, wala rin katotohanan na noong pumutok ang gulo sa Libya ay umalis kaagad ang ambassador natin doon.

Humingi na rin ang gob­yerno ng tulong sa US at Great Britain upang tulungan na mailikas ang mga Pinoy.

Ayon sa DFA, pipilitin nilang maialis lahat ang mga Pinoy na nasa mga liblib na lugar at mga dis­yer­to na nagpupumilit na makalapit o makatawid sa border. Nahihirapan ang mga OFWs na makapaglakbay sa kilu-kilometrong layo patungo sa mga command posts ng Pilipinas na inilagay sa mga border ng Egypt, Tunisia, Malta at Crete.

Una nang sinabi ni del Rosario na hanggang ngayon na lamang ang gagawin nilang evacuation at relocation sa mga Pinoy sa Libya patungo sa mga coastal cities sa mga border pauwi sa bansa.

Nabago ang kanilang target dahil halos mas marami pa sa kabuuang bilang na 30,000 ang hindi pa nakakalabas sa Libya.

Samantala, dumating ang unang batch ng may 1,800 OFWS na umalis sa Libya sakay ng isang inarkilang barkong Ionian Queen galing Benghazi sa Greek island of Crete at inilipad sa NAIA sa dalawang magkakahiwalay na eroplano.

Ang nasabing repatriation ay ginawa sa tulong ng mga employer ng mga ito sa Libya, ang South Asia Group.

Sinabi ni Gil Estoce Lebria, masuwerte sila dahil nakalabas sila agad sa Libya kumpara sa may 2000 pang Pinoy workers na naiwan pa doon at naghihintay sa kanilang employer para dalhin sila sa mas ligtas na lugar. (Rudy Andal/Ellen Fernando/Butch Quejada)

Show comments