MANILA, Philippines - Ilang buwan matapos na ipadeport ng Bureau of Immigration (BI) ang 14 Taiwanese nationals, ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang kasong criminal na isinampa laban sa mga ito at 10 iba pa.
Inirekomenda ni acting City Prosecutor Gerard Gaerlan ang pagbasura sa kasong syndicated estafa at paglabag sa Access Devices Regulations Act of 1998 laban sa mga nasabing dayuhan dahil hindi sapat ang mga ebidensya na isinumite upang maisulong sa korte ang reklamo.
Una ng nagsagawa ng raid ang NBI-Anti-Fraud and Action Division sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila kung saan naaresto ang 24 Taiwanese. Nakuha sa kanila ang ilang two-way radio, kahon ng telepono, laptops, computer cables, router, at iba pa.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pamemeke ng mga access device, hindi awtorisadong access device at iba pang kahalintulad nito.
Gayunman, sa reklamo na isinampa ng NBI at Chinese Embassy, ay hindi naman umano napatunayan na ang mga nakumpiskang gadgets ay ginagamit sa iregularidad.
Sinabi pa ni Gaerlan na iligal ang ginawang pagkukumpiska ng mga gamit sa mga inarestong dayuhan dahil wala naman silang dalang search warrant ng magsagawa ng raid sa Makati.