Research vessel ng DOE hinarass ng Chinese ships

MANILA, Philippines - Naalarma ang research vessel na pag-aari ng Department of Energy (DOE) matapos ma-harass sa girian ng dalawang Chinese Navy ships sa karagatan na sakop ng Spratly Islands sa Palawan kamakalawa.

Ayon kay AFP-Western Command Chief Lt. Gen. Juancho Sabban, ang insidente ay naganap bandang alas-9 ng umaga sa bahagi ng Reed Bank Island malapit sa kanlurang bahagi ng Palawan.

Ang Reed Bank ay nasasakupan ng 200 Exclusive Economic Zone kung saan ang nasabing teritoryo bukod sa Pilipinas ay pinag-aagawan ring angkinin ng China at Vietnam.

Sa inisyal na pag-aaral ng DOE, nasa 3.4 trilyong cubic feet ang natural gas at 440 milyon naman ang barrel ng oil sa Red Bank kung saan ang lugar ay mas malapit sa Palawan kumpara sa lokasyon ng Spratly Island. 

Ayon kay Sabban, matapos dikitan ng dalawang barko ng China ay napilitang rumadyo ang mga tri­pulante ng research vessel ng DOE sa militar upang humingi ng tulong.

Nagresponde naman ang tatlong barko ng Philippine Navy at OV 10 bomber plane ng Philippine Air Force sa lugar pero hindi na inabutan ang naturang dalawang barko ng China.

Show comments