MANILA, Philippines - Matapos ang mahigit isang linggong paghahanap, idineklara nang patay ang may 11 Pinoy na nawawala sa gumuhong Canterbury Television (CTV) building matapos na tumama ang 6.3 magnitude na lindol sa New Zealand noong Pebrero 22.
Ito ang kinumpirma ng DFA matapos na tumawag kay Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario ang foreign minister ng New Zealand para magpaabot na ng pakikiramay sa pamilya ng mga nabiktima ng lindol na pinaniniwalaang natabunan ng gumuhong CTV building sa Christchurch City.
Magugunita na nagsagawa ng 2 minutong katahimikan ang mga mamamayan sa Christchurch kasabay ng isinagawang pagdarasal para sa mga biktima.
Sinabi ni del Rosario na sisimulan ang recovery operation ngayong araw mula sa search and rescue operation matapos ang 9 na araw na paghahanap sa mga gumuhong gusali sa may mahigit 200 katao na nawawala. Umaabot na sa 147 katao ang kumpirmadong patay sa lindol.
Kabilang sa mga hinahanap na Pinoy ay sina Jessie Lloyd Redoble, John Kristoffer Chua, Ezra Mae Medalle, Emmabelle Anoba, Jewel Francisco, Ivy Jane Cabunilas, Mary Louise Anne Amantillo, Valquin Bensurto, Rhea Mae Sumalpong, Erica Nora at Lalaine Agatep.
Nakipag-ugnayan na rin ang DFA sa National Bureau of Investigation upang tumulong sa pagkilala sa mga labi ng Pinoy na marerekober sa New Zealand.