Postponement ng ARMM elections napagkasunduan sa LEDAC - Enrile

MANILA, Philippines - Napagkasunduan sa kauna-unahang Legislative Executive Development Advisory Council meeting na ipinatawag kahapon sa Malacanang na ipagpaliban na muna ang eleksiyon sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Ito ang inihayag kahapon ni Senate President Juan Ponce Enrile na dumalo sa LEDAC meeting kasama sina Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III, Sen. Jinggoy Estrada, Franklin Drilon, Ralph Recto, at Minority Leader Alan Peter Cayetano.

Ayon kay Enrile, halos nagkaisa ang mga mambabatas na dumalo sa meeting para ipagpaliban ang eleksiyon sa ARMM na nakatakda sanang gawin sa darating na Agosto.

Ang pag-uusapan na lamang umano ay kung palalawigin na lamang sa puwesto ang mga kasalukuyang nakaupong opisyal sa ARMM o magkakaroon ng bagong appointment na itatalaga ni Pangulong Benigno Aquino III.

Nakatakda aniyang kausapin ng Pangulo ang mga kinatawan ng ARMM sa House of Representatives kaugnay sa nasabing isyu.

Isa aniya sa maituturing na “urgent bill” ngayon na isinusulong ng Palasyo ang panukala kaugnay sa pagpapaliban ng eleksiyon sa ARMM.

Tumanggi si Enrile na magbigay ng opinyon kung mas dapat manatili na lamang muna sa puwesto ang mga kasalukuyang opisyal ng ARMM o magtalaga ng mga bagong opisyal.

May nakahain ng panukalang batas sa Mababang Kapulungan na naglalayong ipagpaliban ang eleksiyon sa ARMM bagaman at tinutulan ito ng ilang sektor.

Show comments