MANILA, Philippines - Nakatakdang sampahan ng kasong plunder sa Department of Justice (DOJ) ni dating military budget officer Lt. Col. George Rabusa ang dalawang dating hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at dalawang military comptroller at 20 iba pa kaugnay sa ibinunyag nitong “pabaon” system sa militar.
Sinabi ni Rabusa, nakahanda na ang kanyang complaint affidavit at ngayon (Miyerkules) ay ihahain na niya ito sa DoJ na syang pagbabasihan naman ng ahensya upang magsagawa ng preliminary investigation sa nabunyag na anumalya sa AFP .
Kabilang umano sa mga kakasuhan ni Rabusa ng plunder sina dating AFP Chief of Staff Diomedio Villanueva at Roy Cimatu; dating AFP comptrollers Jacinto Ligot at Carlos Garcia; mga executive assistants ng nasabing mga opisyal na hindi pa nito pinangalanan; dating AFP Intelligence Service Officer Divina Cabrera at ilang auditor ng Commission on Appointment(CA) na nakatalaga sa AFP at iba pa na tumanggi nitong tukuyin.
Inamin din nito na isa sana si dating Defense Secretary Angelo Reyes sa kakasuhan nito subalit dahil kinitil na nito ang sariling buhay ay wala na umanong dahilan upang isama pa ito.
Ipinaliwanag ni Rabusa na bagamat may kaso ng plunder sa Sandiganbayan si Garcia ay hindi naman ito parehas na kaso bagkus magkaiba batay na rin sa bagong ebidensya at testimonya.
Ang pahayag ni Rabusa ay ginawa kasabay ng paglulunsad ng bagong anti-corruption advocates na tinawag na “Mabuting Pilipino,” isang samahan na nagsusulong ng good governance at responsible citizenship sa bansa, ang grupo ay pinangungunahan nina dating Akbayan Rep. Risa Hontiveros Baraquel at Army Brig. Gen. Danilo Lim.