MANILA, Philippines - Binira ng mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod ng Caloocan ang palaging pagwa-walk out ni Vice-Mayor Egay Erice na nagiging dahilan ng pagkabalam ng mga dapat tapusin sa konseho kabilang na dito ang ordinansa tungkol sa pagsuporta sa programa ni Pangulong Aquino na Pangtawid Pamilyang Pilipino na layuning matulungan ang mga maralitang residente ng lungsod.
Noong nakalipas na sesyon ay muling nag-walk out si Erice bilang presiding officer ng Sangguniang Panglungsod. Ayon sa mga taong nasa gallery na palaging nakakapanood ng sesyon, hindi ito ang kauna-unahang nag-walk out si Erice kaya’t ilang beses na ring nabibitin ang trabaho ng Sangguniang Panglungsod.
Sa pinakahuling pag-walk out ni Erice nitong Martes, Pebrero 22, ay hindi na napigilan ng ilang konsehal na magsalita kung saan ay sinabi ng mga ito na hindi tamang gawi ang ipinakikita ng kanilang vice-mayor.