UN umaksyon na vs Gadhafi
MANILA, Philippines - Kumilos na ang United Nations upang mabigyan ng unilateral sanction o parusa si Libyan President Moammar Gadhafi dahil sa walang humpay na pagpatay sa mga sibilyan at protesters sa pagpapatuloy ng karahasan sa Libya.
Ayon kay UN Secretary General Ban Ki-moon, umaabot na sa mahigit 1,000 katao ang nasasawi sa Libya. Tinukoy nito na lalong tumataas ang bilang ng mga namamatay dahil maging ang mga naisusugod na protesters sa mga ospital ay pinapasok at pinapatay ng mga armadong grupo na umano’y tagasuporat ni Gadhafi.
Kahapon ay nagpulong ang UN sa pangunguna ni Ki-moon upang konkretong talakayin ang nagaganap na krisis sa Libya.
Nakagawa na rin ng draft resolution ang France at United Kingdom para sa kahilingang bigyan ng parusa si Gadhafi. Kabilang sa mga sanction na inilatag ang pagpapatupad ng ‘arms embargo at travel ban laban kay Gadhafi at mga kapanalig nito bunga ng violation of international human rights.
Bukod kay Ghadafi parurusahan din ang apat na anak nito na aktibong namumuno sa karahasan.
Samantala, inutos na ni US Pres. Barack Obama sa mga bangko sa US na i-freeze ang lahat ng assets ni Gadhafi at itigil ang military aid nito sa Libya bilang parusa.
Sa huling paglabas ni Ghadafi sa harap ng kanyang mga supporters sa Tripoli City kamakalawa ay nagbanta siyang bubuksan ang kanyang arsenal o taguan ng mga armas at kanyang aarmasan ang mga supporters upang siya ay ipaghiganti.
- Latest
- Trending