MANILA, Philippines - Isinusulong na sa Senado ang panukalang batas na naglalayong patawan ng pinakamabigat na multang P10,000 at 1-taong pagkabilanggo ang mga mahuhuling gumagamit ng cellular phone habang nagmamaneho.
Nakapaloob sa Senate Bill 2709 na inihain ni Sen. Manny Villar ang pagpapataw ng multang P10,000 sa ikatlong paglabag, P3,000 sa ikalawa at P1,000 para sa mga first offenders.
Nakasaad sa panukala na marami na ang naaaksidente sa pagmamaneho dahil abala ang driver sa pakikipag-usap o pagte-text.
Ang paggamit din ng cellular phone ang isa sa itinuturong dahilan sa banggaan ng dalawang train ng MRT kamakailan.
Sa report ng Philippine Global Road Safety Partnership (PGRSP) at ng Philippine National Police (PNP), ang cellphone-related accidents ay may 70 kaso lamang noong 2008 subalit tumalon ito sa 491 noong 2009.
Papayagan lamang umano ang paggamit ng cell phone habang nagmamaneho ng sasakyan kung may nakakabit na accessories tulad ng earphone, microphone o jack na may kakayahan na magpadala at tumanggap ng mensahe.
Maari ding gumamit ng cell phone kahit walang accessories kung emergency ang pakay ng tawag.