2 Pinoy nasagip sa New Zealand!

MANILA, Philippines - Nailigtas na ang dalawa sa 14 Pinoy na iniulat na nawawala sa naganap na 6.3 magnitude na lindol sa New Zealand.

Sa report ng Embahada ng Pilipinas sa Wellington sa DFA, nasa ligtas nang kalagayan sina Rita Estrella at Hayley Concepcion na sinasabing kabilang sa na-trap sa mga gusaling gumuho sa area malapit sa CTV building sa Christchurch City.

Samantala, hindi pa rin natatagpuan ng New Zealand rescuers ang 12 pang Pinoy na nawawala at pinaniniwalaang buhay pa na naipit sa bumagsak na CTV building.

Nakikipag-ugnayan pa rin ang team ng Pilipinas sa pangunguna ni Charge d’Affaires Giovanni Palec sa Ministry of Foreign Affairs and Trade (MFAT), police and rescue teams para sa isinasagawang search and rescue sa mga biktima.

Kamakalawa ay ilang pamilya ng mga biktima ang nakakatanggap pa ng text messages mula sa kanilang kaanak na nasa ilalim umano ng bumagsak na gusali at humihingi ng tulong para sila iligtas. (Ellen Fernando) 

Show comments