Taas pasahe sa LRT, MRT tatapatan ng campus walkout
MANILA, Philippines - Maglulunsad ng nationwide campus walkout ang iba’t ibang grupo ng kabataan sa susunod na linggo para almahan ang nakaambang pagtaas ng pamasahe sa LRT at MRT.
Isasagawa ito sa Lunes, Pebrero 28 ng Anakbayan, League of the Filipino Students, National Union of Students in the Philippines gayundin ang College Editors Guild of the Philippines, Kabataang Artista para sa Tunay na Kalayaan at Strike the Hikes Movement.
Ayon kay Vencer Crisistomo, chairperson ng Anakbayan, hindi sapat na bigyan lamang ang mga mag-aaral ng 20 percent discount sa pasahe sa LRT para humupa ang kanilang protesta.
Hindi na umano makatwiran ang kaliwa’t kanang pagtaas ng pasahe, presyo ng langis at iba pang bilihin pati na ng toll fee sa ilalim ng Aquino administration.
Sinasabing galit ang mga youth groups na inaprubahan pa ng DOTC ang LRT-MRT fare hike sa mismong bisperas ng People power anniversary.
Kaugnay nito, sinabi ni LFS Chairperson Terry Ridon, moro-moro lamang ang isinagawang konsultasyon sa LRT-MRT fare hike dahil hindi naman naisaalang-alang dito ang pag-alma ng publiko.
- Latest
- Trending