'Tunay na pagbabago mailap pa rin'
MANILA, Philippines - Mismong kaalyado na ni Pangulong Aquino ang nagsabi na hindi pa nakakamit ng bawat Filipino ang tunay na reporma at pagbabago sa bansa pagkatapos ng 25 anibersayo ng Edsa People Power Revolution.
Ayon kay Sen. Kiko Pangilinan, mahalagang muling magising ang tunay na diwa ng Edsa 1 sa bawat Filipino na naniniwalang may pag-asa pa ang bansa.
Makakamit lamang aniya ang tunay na People Power kung magkakaisa ang bawat Filipino para muling buuin ang bansa mula sa pagkakawatak-watak.
Ayon naman kay Sonny Africa, senior researcher ng Independent Think Tank na IBON Foundation, ang 25 taon matapos ang People Power 1 ay panahon ng “missed opportunities” o nakalagpas na oportunidad tungo sa tunay na pagbabago at kaunlaran.
Batay umano sa kanilang pag-aaral, ang panahon makalipas ang unang EDSA revolt ay dapat sapat na para sa economic take off ng bansa pero nananatili ang pangunahing problema ng mga Pilipino.
Nabigo umano ang mga nagdaang administrasyon na umpisahan ang tunay na repormang pang-Agraryo na dapat ay bumasag sa kontrol ng mga land owners.
Bukod anya dito, matapos ang EDSA 1 ay pinursige umano ng mga nakaraang administrasyon ang free market policies at dumepende na lamang sa mga dayuhang mamumuhunan.
Sa kabila din umano ng ipinagmamalaking taun-taong pagtaas ng gross product ay mas tumaas pa ang unemployment rate ng bansa kaya ang mga walang trabaho ngayon ay may 4.4 milyon na kumpara sa 2.6 milyon noong 1986.
Nananatili din umano ang gap ng mayayaman at mahihirap dahil ang kayamanan ngayon ng 25 pinakamayamang Pilipino ay katumbas na ng taunang kita ng 55.4 milyon na mahihirap.
- Latest
- Trending