MANILA, Philippines - Nakaiwas na naman sa pagdalo sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee ang asawa ni dating military comptroller Lt. Gen. Jacinto Ligot na si Erlinda Ligot matapos ma-confine ang huli sa Veterans Memorial Medical Center dahil sa sakit sa ulo, sakit ng tiyan at iba pang sakit.
Sa sulat na ipinadala ng abogado ni Erlinda sa komite na si Atty. Rafael Zialcita, sinabi nito na ang kaniyang kliyente ay naka-confine sa VMMC dahil sa “headaches, abdominal pains, and other aches.”
Pero iginiit din ni Zialcita na walang kinalaman si Mrs. Ligot sa dinidinig na isyu ng komite kaya wala silang maitutulong o masasabi sa imbestigasyon.
Kinumpirma naman ng doktor ng Senado na naka-confine nga sa VMMC si Mrs. Ligot.
Base umano sa unang pagsusuri kay Mrs. Ligot hindi ito diabetic at wala ring hypertension. Pero sasailalim pa umano sa ibang pagsusuri ngayon.
Dahil hindi pa tiyak kung hanggang kailan mananatili sa VMMC si Mrs. Ligot, iginiit ni Estrada na magsagawa ng hearing ang komite sa ospital kung papayagan ito ng kaniyang mga doktor.