12 Pinoy missing sa New Zealand quake!
MANILA, Philippines - Isang Pinoy ang sugatan habang 12 pa ang nawawala makaraang maipit at matabunan ng isang gumuhong gusali kasunod ng 6.3 magnitude na lindol sa Christchurch City, New Zealand kamakalawa.
Sa report ng Embahada ng Pilipinas sa Department of Foreign Affairs, si Jay Payot, estudyante sa King Education Center ay nagtamo ng sugat sa braso at kamay matapos bumagsak ang CTV building sa Madras St., Christchurch.
Bukod kay Payot, 12 pang Pinoy na karamihan ay mga estudyante ang na-trap umano sa gumuhong gusali kabilang ang lima niyang kasamahang estudyanteng Pinoy.
Kinumpirma naman ni Gng. Linda Amantillo sa DFA na isa ang kanyang anak na babae sa naipit sa nasabing gusali. Nakapag-text pa ang kanyang anak sa kanyang tita sa New Zealand at sa kanila sa Pilipinas kamakalawa ng umaga, ilang minuto matapos ang lindol at nagmamakaawa na tulungan siya dahil namamanhid na ang kanyang katawan.
Sa huling text ng kanyang anak ay nasabi pa nito kung saan ang eksaktong lugar ng kanyang kinaroonan.
Isa pang nawawala ang kinilalang si Ivy Jane Cabonillas.
Ayon kay Foreign Affairs spokesman Atty. Ed Malaya, may 400 rescuers ang kumikilos sa Christchurch at magdadagdag pa ng 300 rescue men upang tumulong sa paghahanap ng mga nawawala. Tinatayang may 2,000 Pinoy ang nasa Christchurch.
Noong Setyembre, 2010 ay tinamaan din ng 7.1 magnitude na lindol ang Christchurch subalit walang iniulat na nasawi habang iilan ang gusaling napinsala subalit mas deadly umano ang 6.3 magnitude na lindol kamakalawa na umaabot na sa 75 katao ang kumpirmadong patay at tinatayang 400 katao pa ang sugatan at nawawala.
Idineklara na ni New Zealand Prime Minister John Key nag ‘state of emergency’ sa Christchurch.
Sa mga pamilya ng mga Pinoy sa Christchurch, maaring tumawag sa DFA hotline 834-4448 at 834-4596.
- Latest
- Trending