Negosyo, pulitika motibo sa Ortega slay
MANILA, Philippines - Koneksiyon sa negosyo ng pagmimina at pulitika ang nakikitang motibo umano sa napaslang na si broadcast journalist Dr. Gerardo ‘Doc Gerry’ Ortega ng Palawan.
Si Ortega ay kilalang aktibong pro-environment advocate at naging matapang ito sa pagbanat sa kanyang programa sa radyo laban sa mga mapanirang minahan sa lalawigan.
Nabatid na binubusisi na nang husto ang mga ibinigay na pahayag ng mga naarestong ‘link’ sa Ortega slay na sina Marlon Ricamata at Dennis Aranas.
Isa rin umano sa lumulutang ngayon ay ang koneksyon ng isang malaking minahan sa Palawan na diumano’y nagbigay ng malaking suportang pinansyal noong nakaraang eleksyon para lamang makaupo ang kanilang ‘manok’ kapalit ng muling pamamayagpag ng kanilang operasyon sa probinsiya.
Sinasabing naging “mainit sa mata” ng dating gobernador ng Palawan na si ex-Gov. Joel Reyes ang mga minahan at naging istrikto ito sa pagbabawal ng operasyon ng malalaki at pati na ang maliliit na minahan upang mapangalagaan ang kalikasan.
Isang araw bago napatay si Doc Gerry, ang kanyang grupong Bantay Kalikasan, ay nanguna sa 10 million signatures campaign para sa pagbabawal ng mining operations sa Palawan.
Samantala, nagbigay na ng kanyang affidavit sa Department of Justice (DOJ) ang biyuda ni Ortega na si Patty hinggil sa mga huling batikos na binitiwan ng kanyang mister sa kanyang programa.
- Latest
- Trending