MANILA, Philippines - Tinanggihan ng Malacañang na gawing poster boy ng Philippine Medical Association (PMA) sa kanilang anti-smoking campaign si Pangulong Benigno Aquino III.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, ang paninigarilyo ni Pangulong Aquino ay isang pamamaraan ng chief executive laban sa stress dahil na rin sa trabaho nito.
Wika pa ni Sec. Lacierda, unti-unting binabawasan ng Pangulo ang kanyang paninigarilyo subalit dahil sa marami siyang ginagawa bilang chief executive ay ginagamit niyang panlaban sa stress ay ang paninigarilyo.
Idinagdag pa ni Lacierda, hindi pa lubusang naititigil ng Pangulo ang kanyang paninigarilyo subalit binabawasan na niya ito kaya hindi akma na gawing poster boy sa anti-smoking campaign ng PMA si PNoy.
Magugunita na sinabi ni US President Barrack Obama na isa ring smoker na handa siyang magbigay ng payo kay Pangulong Aquino upang maiwasan ang paninigarilyo.