MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni Sen. Francis Escudero ang panukalang pumasok ang Pilipinas sa ‘palit-preso’ sa mga bansang mayroong OFW’s tulad sa China kung saan ay 3 OFW’s ang nakatakdang bitayin subalit nasuspinde lamang ‘under the Chinese laws’ matapos makiusap si Pangulong Benigno Aquino III sa pamamagitan ng kanyang emisaryo na si Vice-President Jejomar Binay.
Sinuportahan naman ang hakbang na ito ni Sen. Escudero nina Sen. Edgardo Angara at Sen. Juan Miguel Zubiri.
Kinontra naman ito kaagad ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III dahil dapat daw maghinay-hinay ang gobyerno sa pagpasok sa mga kasunduan sa ibang bansa kung ang pinag-uusapang kaso ay tungkol sa illegal drugs.
Ayon kay Sotto, ang kaso tungkol sa illegal drugs ay maituturing na mas kumplikado kaysa sa murder at iba pang ordinaryong krimen.
Aniya, maling senyales ang ibibigay ng gobyerno sa mga drug traffickers at mga sindikato ng droga at sa mga OFW’s na papayag magdala ng illegal na droga sa ibang bansa.
“We will be sending a wrong message to these traffickers, to these drug syndicates, to those who fall prey na pro-proteksyunan naman pala ako at tutulungan naman pala ako in the end. I think it will send a wrong message,” pahayag pa ni Sotto.
Idinagdag pa ni Sotto, kung ibang krimen ang pag-uusapan ay posibleng sumang-ayon siya sa panukalang palit-preso.
Samantala, sinabi naman ni Vice-President Jejomar Binay sa media briefing sa Malacañang matapos silang magpulong ni Pangulong Aquino na dapat lamang habulin ang mga sindikato na bumiktima sa mga OFW’s na ginawang drug courier.
Wika pa ni VP Binay, dapat lamang higpitan at magkaroon ng makabagong mga equipment sa paliparan upang hindi makalusot ang mga illegal drugs na tinatangkang ilabas sa bansa.
Nilinaw pa ni Binay, sakaling ituloy ng Chinese government ang pagbitay sa 3 OFW’s ay aabisuhan ang gobyerno gayundin ang pamilya nito.
Aniya, umaasa pa rin ang gobyerno na maibababa sa life imprisonment na lamang ang parusa sa 3 OFW’s.