MANILA, Philippines - Inabisuhan ni Senador Manny Villar ang Department of Foreign Affairs na agad magpalabas ng “travel advisories” para mabigyang babala ang mga Filipino na maglakbay patungong Bahrain at Libya dahil na rin sa lumalalang tensiyon sa pulitika sa dalawang bansa.
Tinawag din ni Villar, chairman ng Senate trade committee, ang pansin ng Departments of Trade, Energy at Labor na magpalabas ng isang komprehensibong pag-aaral at panukala kung ano ang magiging epekto ng paglala ng kaguluhan sa mga bansa sa Middle East sa pambansang ekonomiya at sa kapakanan ng overseas Filipino workers.
Ayon sa Senador, umaabot sa 40,000 manggagawang Pinoy ang nasa Bahrain at mahigit 10,000 OFW ang nasa Libya.
Sinabi pa ng tagapagtanggol ng mga OFW sa Senado na hindi dapat mag-aksaya ng panahon ang DFA sa pagpapalabas ng nararapat na travel advisories upang balaan ang mga Pinoy sa paglalakbay sa Bahrain at Libya habang patuloy ang kaguluhan sa nasabing mga bansa.
Binigyan diin din ni Villar ang pangangailangan ng masusing pag-aaral sa implikasyon ng kaguluhan sa maraming bansa sa Middle East sa presyo ng krudo sa world market at sa pambansang ekonomiya sa kabuuan.